Kumakalat ngayon sa social media ang lumang usapan sa pagitan ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at kanyang ina, si Mrs. Angelica Yulo, na nagpapakita ng matibay at mapagmahal na relasyon ng mag-ina.
Sa nasabing pag-uusap, kitang-kita ang pagiging sweet ni Carlos kay Mrs. Yulo, kung saan inamin pa ni Carlos na humihingi siya ng tulong mula sa kanyang ina, lalo na sa aspeto ng pinansyal.
"Nanghihingi pa nga ko sayo ng pera eh," pahayag ni Carlos, na sinundan pa ng "Di ko pa kaya ng walang tulong mo, ma."
Ang tugon naman ni Mrs. Yulo ay puno ng pagmamahal at suporta sa kanyang anak. "Kaya mo yan, ikaw pa ba, mana ka sa amin ng papa mo," sagot ni Mrs. Yulo, na nagpapakita ng kanyang tiwala at paniniwala sa kakayahan ni Carlos.
"Kaya kita, sa amin ka galing ng papa mo kaya alam kong kaya mo yan," dagdag pa ng ina, na nagbibigay inspirasyon at lakas ng loob sa kanyang anak.
Ang sweet na palitan ng mga mensahe ng mag-ina ay nagpapakita ng matibay na samahan nila, na siyang bumihag sa puso ng maraming netizens. Bagama’t kilala si Carlos sa kanyang mga tagumpay sa larangan ng gymnastics, ipinakita sa mga mensaheng ito na sa likod ng kanyang tagumpay ay ang walang sawang suporta at pagmamahal ng kanyang ina.
Maraming netizens ang naantig sa mga salitang binitiwan ni Mrs. Yulo at ipinahayag ang kanilang paghanga sa mag-ina, na tila nagbibigay ng inspirasyon sa maraming pamilya na ang pagmamahal at suporta sa isa’t isa ay susi sa tagumpay ng bawat miyembro.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento