Kamakailan, nagbigay ng eksklusibong panayam si Carlos Yulo, ang two-time Olympic gold medalist sa gymnastics, kasama ang kanyang nobya na si Chloe San Jose kay Toni Gonzaga para sa 'Toni Talks.' Sa nasabing panayam, tinanong ni Toni si Carlos kung bakit pinili niyang manahimik tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan niya at ng kanyang pamilya.
Sa dami ng usapin at isyung lumutang patungkol sa relasyon ni Carlos sa kanyang mga magulang at pamilya, naging bukas si Toni sa pagtatanong kung bakit hindi nagsalita si Carlos upang ipagtanggol ang kanyang sarili. “Ganito na lang ang gagawin natin para kahit papaano magkaroon ng konting linaw. Kasi we are hearing one side of the story, but you are not sharing your side of the story. Bakit?” tanong ni Toni.
Ayon kay Carlos, masyadong personal ang kanilang pinagdadaanan bilang pamilya kaya’t pinili niyang hindi ito ilantad sa publiko. Para sa kanya, hindi na kailangang malaman ng lahat ang bawat detalye ng kanilang isyu. “Personal po kasi masyado eh. Like, hindi na rin po para malaman ng tao, ng buong sambayanan yung nangyari. Basta ako, alam ko po sa sarili ko, sa puso ko na napatawad ko sila," ani Carlos.
Sa parehong panayam, inamin din ni Carlos na nagkaroon siya ng mga pagkakamali sa kanilang isyu ng kanyang pamilya. "Inamin ko sa sarili ko na nagkamali ako. Kinarma na ako kasi mali nga naman na sagutin mo sila ng ganun," pagbabahagi ni Carlos. Dagdag pa niya, "Syempre emosyonal ka na po eh. Gusto mo ipaglaban yung sarili mo at yung relationship niyo. Alam ko kung ano yung mali ko, tinanggap ko yun, ipinagdasal ko yun kay Lord, humingi ako ng tawad."
Sa kabila ng mga nangyari, binigyang-diin ni Carlos na napatawad na niya ang kanyang pamilya. Para sa kanya, mahalaga ang kapayapaan ng puso at ang paghingi ng tawad sa Diyos sa lahat ng pagkakamali. Sa kabila ng mga intriga at kontrobersya, patuloy na ipinapakita ni Carlos ang kanyang katatagan bilang isang atleta at bilang isang anak na nagtatangkang buuin muli ang mga sirang ugnayan sa kanyang pamilya.
Ang desisyon ni Carlos Yulo na manahimik tungkol sa isyu ng kanyang pamilya ay nagsisilbing paalala sa atin na ang mga alitan sa pamilya ay nararapat resolbahin ng pribado at may respeto sa isa’t isa. Sa kabila ng kanyang mga tagumpay sa larangan ng sports, ipinapakita ni Carlos ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, paghingi ng tawad, at ang tunay na kahulugan ng pamilya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento