Ang aktor na si Raul Dillo, na nakilala sa kanyang pagganap bilang 'kapre' sa mga pelikula, ay ibinahagi ang kanyang bagong pinagkakaabalahan upang masuportahan ang kanyang pamilya. Sa kabila ng dating kasikatan sa industriya ng showbiz, si Raul ay nagsusumikap ngayon sa pagtitinda ng longganisa sa lansangan upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga anak.
Sa kanyang post sa social media, inamin ni Raul na pinasok niya ang negosyo ng pagtitinda ng longganisa dahil sa kanyang responsibilidad bilang ama sa kanyang dalawang anak na kasalukuyang nag-aaral sa elementarya. “Totoo naman po na nagtitinda ako ng longganisa kasi nga po may pamilya ako, may dalawang anak ako na nag-aaral na nasa grade school pa lang,” ani Raul.
Noong una, inamin ng aktor na nahirapan siya sa pagbebenta, lalo na't kailangan niyang magtinda sa gilid ng kalsada. Ngunit sa paglipas ng panahon, natutunan niyang mag-adjust at naging mas madali na para sa kanya ang pagtitinda. “Nasanay na rin ako. Mahirap sa umpisa pero para sa mga anak ko, gagawin ko ang lahat,” dagdag pa niya.
Matatandaang naging viral noon si Raul Dillo matapos siyang manawagan kay Coco Martin na kunin siya sa isa sa mga proyekto nito. Hindi nagdalawang-isip si Coco na bigyan siya ng pagkakataon at isinama siya sa teleseryeng "FPJ's Batang Quiapo." Subalit, hindi rin nagtagal ang kanyang paglabas sa nasabing programa, kaya't bumalik si Raul sa kanyang negosyo upang matiyak ang kinabukasan ng kanyang pamilya.
Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na lumalaban si Raul Dillo para sa kanyang pamilya at nagsisilbing inspirasyon sa marami na kahit anong hirap ng buhay, hindi dapat sumuko at patuloy na magsikap para sa mga mahal sa buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento