Mas seryoso ngayon sa kanyang acting career ang Kapuso actor na si David Licauco, lalo na't nagkaroon siya ng bagong pangarap – ang manalo ng isang acting award. Sa isang panayam kay Boy Abunda, inamin ni David na ang kanyang TV series na “Pulang Araw” ang naging turning point sa kanyang pananaw bilang isang artista.
“I would say na ‘Pulang Araw’ really changed my perspective with siguro my life din. ‘Yung acting, feeling ko this is something na I can do for a long time kaya ginagalingan ko talaga,” pahayag ni David. Dati-rati raw ay nakatuon siya sa mundo ng negosyo, ngunit nagbago ang kanyang pananaw at naging mas seryoso sa kanyang pagganap sa harap ng kamera.
Kaya naman, kinarir nang husto ni David ang kanyang role sa “Pulang Araw” dahil nais niyang magbigay ng isang performance na karapat-dapat sa isang award. “Before Pulang Araw nagkaroon ako ng goal na gusto kong, hopefully, manalo ng award,” inamin ng aktor.
Bukod sa hamon ng pag-arte, kinailangan din ni David na mag-aral ng Nihonggo para sa kanyang role bilang isang Japanese character sa drama. “Everyday kailangan ko siyang i-memorize. Actually, hindi lang siya one night para i-memorize, it takes me two days, three days para ma-memorize ang Japanese lines. On top of that ‘yung acting pa,” pagbabahagi ni David.
Hindi naging madali ang proseso para kay David, ngunit determinado siyang magtagumpay. “Aral lang din talaga, aral ako nang aral ng acting, maraming trial and error,” aniya. Patunay lamang ito ng kanyang dedikasyon at pagsusumikap sa kanyang craft, na nagpapakita ng kanyang tunay na hangarin na magtagumpay sa industriya ng showbiz.
Ang pagbabagong ito sa pananaw at pagtutok sa kanyang craft ay nagbigay inspirasyon sa maraming tagahanga, at marami ang nag-aabang sa hinaharap na tagumpay ni David Licauco sa kanyang acting journey.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento