Si Eldrew Yulo ang nakababatang kapatid ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo, ay nanawagan sa kanyang kuya na gumawa ng unang hakbang para makipagkasundo sa kanilang ina, si Angelica Yulo. Sa isang panayam sa Bombo Radyo, nagbigay ng kanyang saloobin si Eldrew tungkol sa isyung bumabalot sa kanilang pamilya, at nilinaw na bukas palagi ang kanilang tahanan para kay Carlos.
Ayon kay Eldrew, hindi nila pinipilit si Carlos na bumalik o makipag-usap, ngunit kung sakaling maisip ng kanyang kuya na bumalik, malugod nilang tatanggapin ito. “Hindi ka naman namin pinipilit bumalik pero if ever na maisipan mo ay always free kami,” wika ni Eldrew. “Hindi kami lumalapit sayo dahil nanalo ka, gusto lang naman namin kayong maka-bond ng hindi namin sinasabi or hindi namin kailangan sabihin."
Isa sa mga ikinadismaya ni Eldrew ay ang madalas nilang panghihingi ng atensyon mula kay Carlos, na naging pangunahing alalahanin ng kanilang ina. Ipinahayag din ni Eldrew na bilang babae, mataas ang pride ni Mrs. Angelica, kaya’t kinakailangan daw na mag-adjust si Carlos bilang lalake upang matapos na ang gulo.
“Babae kasi si mama kuya eh… Alam mo naman kapag babae, matataas talaga ang pride. Kailangan talaga nating mag-adjust,” ani Eldrew. “Ang gawain talaga ng lalake ay mag-adjust na lang and babaan na lang ‘yung pride natin para tapos na ang gulo.”
Dagdag pa ni Eldrew, ang ayaw daw ng kanilang ina ay sila lagi ang naglalapit para humingi ng atensyon mula kay Carlos. "Ang ayaw lang kasi ni mama is ‘yung kami lagi ‘yung lalapit para sa atensyon niya, which is mali talaga, dapat may kusa ka rin. I mean I’m not mad about it, nagtatampo lang na kailangan pa namin i-seek ‘yung attention mo,” dagdag pa niya.
Matatandaang nagkaroon ng sigalot sa pagitan ni Carlos at ng kanyang ina tungkol sa usaping pinansyal, na naging dahilan para ma-block ni Mrs. Angelica ang kanyang anak sa social media. Bukod dito, inireklamo rin ni Mrs. Angelica ang kasintahan ni Carlos na si Chloe San Jose, na diumano’y nagmanipula sa atleta, na lalo pang nagpalala ng alitan sa kanilang pamilya.
Sa kabila ng mga tensyon, malinaw na si Eldrew ay umaasa sa isang maayos na pag-uusap at pagkakaayos sa pagitan ng kanyang kuya at kanilang ina. Patuloy na nagiging sentro ng usapan sa social media ang kanilang pamilya, habang umaasa ang marami na magkakaroon ng pagkakataon na matapos ang alitan at muling magkaayos ang pamilyang Yulo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento