Isang kwento ng kabutihan ang nauwi sa hindi inaasahang pagtatapos ng limang taong pagseserbisyo ng isang restaurant server matapos siyang sinisante dahil sa kanyang kabaitan sa mga asong kalye o aspin. Ang empleyadong si Vhal Sardia, na kilala sa kanyang malasakit sa mga hayop, ay hindi na makakapagpatuloy sa kanyang trabaho matapos niyang pakainin ang ilang aspin sa labas ng restaurant kung saan siya nagtatrabaho.
Ibinahagi ni Vhal Sardia sa kanyang social media ang video na nagpapakita ng kanyang simple ngunit makabuluhang gawain: ang pagpapakain sa isang aspin sa labas ng kanilang restaurant. Ang inaasahan niyang pagmumulan ng papuri at paghanga ay naging dahilan pa ng kanyang pagkaalis sa trabaho matapos siyang isumbong ng kanyang supervisor sa Human Resources (HR) ng kanilang kumpanya.
Sa kanyang post, ipinahayag ni Sardia na bilang isang natural na dog lover, hindi niya kayang tiisin ang mga aspin na nag-aabang ng tirang pagkain sa labas ng kanilang restaurant. "Hindi ko po kase napigilan na sila ay bigyan ng pagkain kaya’t madalas ang ginagawa ko ang pagpapakain sa kanila off duty or breaktime ko," paliwanag ni Sardia.
Sa loob ng limang taon ng kanyang pagseserbisyo bilang isang Food Server, hindi niya inakala na ang isang simpleng kabaitan sa mga hayop ang magdudulot ng kanyang pagkakatanggal sa trabaho. Aniya, imbis na mapahalagahan ang kanyang malasakit sa mga hayop, ito pa ang naging dahilan upang siya’y mawala ng hanapbuhay.
Ayon kay Sardia, matapos ang insidente, nakatanggap siya ng tawag at mga text mula sa kumpanya na nag-aatas sa kanya na pumirma ng isang dokumento na hindi niya sinasang-ayunan. "May pinapapirma po sa akin na against ako sa nakalagay. So hindi po ako pumirma, nagalit yung HR at sabi niya magtatagal daw kami dito sa loob ng office," kuwento ni Sardia.
Dagdag pa niya, nagpatuloy ang tensyon sa kanilang opisina kung saan nagpatawag pa ng ibang empleyado upang bantayan ang pinto at hindi siya palabasin sa office. Ang ganitong uri ng pagtrato sa kanya ay nagdulot ng takot at pangamba kay Sardia, na sa kabila ng kanyang kabaitan ay tila wala nang nagawa upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento