Sa isang ulat ng GMA News, nagbahagi si dating Manila Mayor Isko Moreno ng kanyang mensahe ng suporta at pag-aalala para sa kanyang kaibigan at dating ka-tandem sa 2022 elections, si Doc Willie Ong. Isiniwalat ni Isko na nakipag-usap siya kay Doc Willie at sa asawa nito, si Dra. Lisa, noong Biyernes, isang araw bago ibinunyag ng cardiologist ang kanyang kondisyon sa kalusugan.
"Nalulungkot ako at the same time hoping for his quick recovery," pahayag ni Isko. Nagbigay din siya ng nakapagpapalakas na mensahe para kay Doc Willie, na patuloy na kinikilala bilang isang mahalagang boses sa larangan ng kalusugan.
"Sabi ko maraming nagmamahal sa kaniya at umaasa sa mga gabay at payo niya sa kalusugan na mga kababayan natin," ani Isko. Ipinahayag din niya ang kanyang pag-asa na malalampasan ni Doc Willie ang pagsubok na kanyang kinakaharap. "Sinabi ko tatagan niya ang kaniyang kalooban at may awa ang Diyos na malalagpasan din niya ang pagsubok na kinakaharap niya," dagdag pa ng dating alkalde.
Kasabay nito, hinikayat ni Isko ang publiko na ipanalangin ang mabilis na paggaling ni Doc Willie at ang kalakasan ng kanyang pamilya sa mga panahong ito. "Huwag nating kalimutan ipagdasal si Doc Willie at ang kanyang pamilya," ani Isko.
Patuloy ang pagbuhos ng mga panalangin at suporta para kay Doc Willie Ong mula sa kanyang mga tagasubaybay at mga kaibigan sa gitna ng kanyang pakikipaglaban sa kanser. Ang kanyang malasakit at dedikasyon sa pagbibigay ng payo tungkol sa kalusugan ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa maraming Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento