Itinanggi ng magkapatid na sina Karl Eldrew at Elaiza Yulo ang mga usap-usapang may inggitan sa pagitan nila at ng kanilang kuya na si Carlos Yulo, ang two-time Olympic gold medalist. Sa isang panayam, nilinaw ng dalawa na walang rivalry o kompetisyon sa pagitan nila, bagkus ay labis pa nga silang na-inspire sa tagumpay ng kanilang kuya kaya’t sinubukan din nila ang gymnastics.
Ayon kay Elaiza, naging bahagi ng kanilang pagkabata ang panonood sa training at kompetisyon ni Carlos. "Kada training po pumupunta po kami sa gym tapos pinapanood po namin sila, at sa mga competition din po. Kapag nagko-compete po ‘yung ate namin at si Kuya Caloy, nanonood po kami lagi,” pagbabahagi ni Elaiza.
“Nagustuhan din naman po namin kaya namin pinursue ‘yung gymnastics," dagdag pa ni Eldrew, na nagpapakita ng kanilang pagkahilig sa sport dahil sa inspirasyong hatid ni Carlos.
Ikinuwento rin ng magkapatid na hindi malayo ang kanilang loob kay Carlos dahil sa pagiging makulit nito at hindi istrikto. Ibinahagi pa nila na tuwing magkakasama sila bilang magkakapatid, madalas silang nag-aasaran, nanonood ng TV, nagkukuwentuhan, at gumagala lang bilang isang normal na pamilya.
Ang masayang samahan ng magkapatid na Yulo ay isang patunay na sa kabila ng tagumpay ni Carlos sa larangan ng gymnastics, nananatili ang kanilang matibay na ugnayan bilang magkakapatid. Sa halip na inggitan, pagmamahal at suporta ang nangingibabaw sa kanilang pamilya, na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa marami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento