Sa isang eksklusibong panayam kay Toni Gonzaga, binigyang-diin ni Carlos Yulo na siya ay isang mabuting tao, at sinabi niyang hindi siya tatanggap ng biyaya mula sa Diyos kung siya ay may masamang ugali.
"Kung hindi ako mabait na tao, hindi ako ibe-bless ni Lord ng ganon," ani Carlos.
Matatandaang naging laman ng social media si Carlos dahil sa hidwaan sa kanyang mga magulang. Maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang saloobin, at ilan sa kanila ang nagsabing posibleng harapin ni Carlos ang karma dahil sa kanyang pakikitungo sa kanyang pamilya.
Isang netizen ang nagkomento, "Ang tunay na mabait na anak, hindi niya magagawang saktan ang damdamin at ipahiya ang kanyang ina sa publiko at sa buong mundo, at pagdadamotan ng pera at sasabihan siyang magnanakaw at ipagpapalit sa babae ang buong pamilya niya!"
Isa pang netizen na si Princess MJ ay nagsabi, "Binigyan ka ni Lord ng blessings, dahil ang alam niya iyon ang daan para magpakumbaba ka sa magulang mo, pero lalo lang pala tatayog ang ere mo. Pag ang Diyos nagbigay sa'yo ng pagsubok, sa isang iglap lang mawawala sa'yo lahat 'yan kaya mas piliin mong maging mabuti sa magulang mo kaysa sa ibang tao."
Inamin ni Carlos na tila naranasan na niya ang karma nang siya ay mabigo sa World Championships. Hindi naging madali ang kanyang pakikibaka, ngunit tila nagsilbing leksyon ito sa kanya upang maging mas matatag at mapagpakumbaba sa mga susunod na hakbang sa kanyang buhay.
Sa kabila ng lahat ng kontrobersya, ibinahagi ni Carlos ang kanyang mga pangarap sa hinaharap, kabilang na ang pagtatatag ng sarili niyang pamilya kasama ang kanyang nobya na si Chloe San Jose.
"Gusto kong magkaroon ng baby. Gusto kong maging tatay," masiglang ibinahagi ni Carlos.
Ang pagnanais na bumuo ng sariling pamilya ni Carlos ay nagpakita ng kanyang determinasyon na maging isang mabuting ama sa hinaharap. Bagaman marami ang nagdududa sa kanyang mga desisyon, ipinapakita ni Carlos na handa siyang magpatuloy at pagbutihin ang sarili sa kabila ng lahat ng pagsubok at opinyon ng iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento