Matapos ang ilang araw ng pananahimik, nagsalita na si Diane Impas Omapas, ang magulang na inakusahan ng mga netizens bilang dahilan ng pagpanaw ng beteranong guro na si Marjorie Boldo. Umani ng matinding kritisismo si Omapas mula sa mga netizens matapos itong magsampa ng reklamo laban kay Boldo, na sinasabing naging sanhi ng labis na stress na naranasan ng guro bago ito pumanaw.
Matatandaang si Marjorie Boldo, isang guro na nagsilbi ng 31 taon sa larangan ng edukasyon, ay pumanaw matapos ang isang insidente kung saan siya ay pinagsabihan umano ng kanilang school principal. Ang dahilan ng komprontasyon ay ang reklamong isinampa ni Diane Impas Omapas laban kay Boldo matapos umano nitong hindi bigyan ng first aid ang kanyang anak na estudyante ng guro.
Ayon kay Omapas, sa kanilang pag-uusap sa opisina ng principal, hindi raw niya sinermonan o pinagsalitaan ng masama si Boldo. Ang tanging tanong lamang niya sa guro ay kung bakit hindi ito agad nagbigay ng first aid sa kanyang anak. Ipinaliwanag naman ni Boldo na siya ay may "hemophobia" o takot sa dugo, kaya’t hindi niya nagawang magbigay ng agarang tulong sa estudyante.
Nagpahayag si Diane Impas Omapas na hindi dapat siya sisihin sa pagpanaw ni Boldo. Aniya, hindi naman niya intensyon na makasama ang guro at ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang isang magulang na ipaglaban ang karapatan ng kanyang anak. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi na natapos ang isyung ito dahil sa biglaang pagpanaw ni Boldo.
Habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang DepEd upang makamtan ang katotohanan, umaasa ang lahat na mabibigyan ng hustisya ang kaso ni Marjorie Boldo at maging aral ito para sa lahat na dapat palaging pairalin ang malasakit at pag-unawa sa kapwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento