Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court ang entertainment editor ng Bulgar na si Janice Navida at ang kolumnistang si Melba Llanera na makulong ng anim na buwan hanggang apat na taon matapos mapatunayang nagkasala sa kasong libelo na isinampa ng 2018 Miss Universe na si Catriona Gray. Bukod dito, si Melba Llanera ay nahaharap din sa karagdagang parusang anim na buwan hanggang limang taon na pagkakakulong para sa kasong cyber libel na may kinalaman din sa parehong insidente.
Ayon sa 12-pahinang desisyon ni Acting Presiding Judge Evangeline Cabochan-Santos, napatunayan na ang inilathalang artikulo ng Bulgar noong Hulyo 2020 ay mapanira at may malisya laban kay Catriona Gray.
Ayon sa prosekusyon, inihayag na ang babae sa larawan ay si Catriona Gray, ngunit pinabulaanan ito ng beauty queen at iginiit na hindi siya ang nasa mga larawan. Dahil dito, labis na naapektuhan ang reputasyon ni Catriona sa inilathalang balita, at isinampa niya ang kasong libelo laban sa mga manunulat.
Pinagtibay ng korte ang ebidensyang ipinakita ng kampo ni Catriona Gray at idineklara na "defamatory" at "malicious" ang nilathalang artikulo ng Bulgar. Ayon sa desisyon ng hukom, "All told, the court is morally convinced beyond reasonable doubt, and thus finds with the guilt of the accused having been established by the prosecution’s evidence with moral certainty." Sa madaling salita, tiyak ang korte na may kasalanan sina Navida at Llanera sa isinampang kaso.
Sa kabila ng hatol, sinabi ng mga akusado na iaapela nila ang desisyon sa mas mataas na hukuman. Sa isang joint statement, sinabi nina Navida at Llanera, “Bilog ang universe. Hindi pa tapos ‘to. Tuloy ang laban para sa katotohanan.” Dagdag pa nila, “Bahagi na ng buhay naming mga mamamahayag ang demanda at hindi na bago ito…Maaaring hindi natin makamit ang pagsang-ayon ng lahat sa panahong ito ngunit patuloy tayong naniniwala na sa takdang panahon, katotohanan din ang magtutuwid ng lahat.”
Ang hatol na ito ay isang paalala sa mga media practitioners na maging maingat sa paglalabas ng balita, lalo na kung ito ay may posibilidad na makapinsala sa reputasyon ng isang tao. Naging malaking leksyon din ito sa buong industriya ng media, na ipinapakitang hindi dapat gamitin ang kalayaan sa pamamahayag upang makapanira ng ibang tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento