Buhay na buhay muli ang alaala ng ilan sa mga pinakasikat na pangalan sa Philippine showbiz sa pamamagitan ng kanilang colorized black and white photos! Ang mga lumang litrato ng mga tanyag na artista noong dekada '50s hanggang '70s ay binigyang kulay ng electronics engineer at entrepreneur na si Adlai Jan Garcia Jawid, na nagdala ng bagong sigla at ningning sa mga klasikong imahe ng mga kilalang personalidad sa showbiz.
Ilan sa mga artistang muling nagningning sa kanilang colorized photos ay ang legendary actor na si Fernando Poe Sr., na kilalang ama ng "Hari ng Pelikula" na si Fernando Poe Jr. Muli ring napanumbalik ang ganda at kagwapuhan nina Eddie Gutierrez, Rosa Rosal, Nida Blanca, Amalia Fuentes, at Gloria Romero, na itinuturing na mga haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Hindi rin pinalampas ni Adlai ang pagbibigay-buhay sa mga larawan ng mga paboritong komedyante ng bansa tulad nina Dolphy at Panchito. Sa kanyang mga obra, tila nagbalik sa kasikatan ang magkaibigan sa kanilang mga nakakaaliw na mga imahe.
Si Adlai Jan Garcia Jawid, na isang electronics engineer at entrepreneur, ay gumagamit ng modernong teknolohiya at digital editing upang bigyang kulay ang mga black and white photos na naging bahagi ng kasaysayan ng Philippine cinema. Sa pamamagitan ng kanyang sining, hindi lamang niya napapanumbalik ang mga lumang larawan kundi nabibigyan din niya ng bagong mukha ang mga artistang minahal ng masa sa kanilang panahon.
Sa isang panayam, inamin ni Adlai na mahirap ang proseso ng pag-colorize ng mga lumang larawan dahil kailangang pag-aralan ang bawat detalye ng damit, background, at hitsura ng mga artista upang matiyak na maging makatotohanan ang bawat larawan. Dagdag pa niya, ang layunin ng kanyang proyekto ay hindi lamang ang pagbibigay-buhay sa mga larawan kundi ang pagpapakilala sa bagong henerasyon sa mga iconic figures ng Philippine showbiz.
Ang colorized photos ay tila naghatid ng bagong perspektibo sa mga klasikong bituin na minsan nang nagbigay saya, lungkot, at inspirasyon sa mga manonood. Para sa mga nakababatang henerasyon, nagbigay ito ng pagkakataon na makilala ang mga artistang nagbigay-daan sa kung ano ang tinatamasa nating showbiz industry sa kasalukuyan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento