Ang kilalang doktor at health advocate na si Dr. Willie Ong ay nagbahagi ng mga larawan na nagpapakita ng epekto ng kanyang chemotherapy matapos siyang ma-diagnose ng isang bihirang uri ng kanser, ang sarcoma. Sa isang post ng kanyang inaanak na si JuniƱo Padilla, makikita si Dr. Willie na malaki ang ibinawas ng timbang at halos nawala na ang kanyang buhok. Si Dr. Willie ay kasalukuyang nagpapagamot sa Singapore upang mapahaba ang kanyang buhay.
Ayon kay Padilla, "Surprise morning call from Ninong Doc Willie Ong from Singapore. Laban lang, ingat po kayo."
Ilang araw na ang nakararaan nang ibalita ni Dr. Willie sa publiko ang kanyang kondisyon. Inilahad niya na mayroon siyang 16x13x12 sentimetrong sarcoma sa kanyang abdomen, pati na rin isang tumor sa likod ng kanyang puso at T10 spine.
"San ko nakuha ‘to? Tingin ko stress. Na-stress ako sa mga comments. Na-stress ako sa mga bashers," ani Dr. Willie, na tila naglalarawan ng kanyang pagkapagod sa mga negatibong komento na natanggap niya.
Dagdag pa niya, "Sobrang mahal ko ang Pilipino, sobrang mahal ko mga mahihirap, tapos sasabihin nila ginagamit ko lang." Ang mga kritisismo at pagdududa sa kanyang tunay na intensyon bilang isang public figure ay naging sanhi ng matinding stress, na ayon sa kanya, posibleng naging dahilan ng pagkakaroon niya ng ganitong karamdaman.
Bukod sa sarcoma, ibinunyag din ni Dr. Willie na dumaranas siya ng Neutropenic Sepsis, isang seryosong kondisyon na nagresulta sa kanyang pagkakaroon ng delirium o pagkawala ng katinuan paminsan-minsan.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, nananatiling positibo at matatag si Dr. Willie sa kanyang laban. Maraming netizens at tagasuporta ang nagpapaabot ng kanilang dasal at mensahe ng pag-asa sa kanya, umaasang malalampasan niya ang matinding pagsubok na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento