Pastor Apollo C. Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ, ay patuloy na nag-aaral ng Bibliya habang nasa detention, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Mark Tolentino. Sa isang ulat ng ABS-CBN, ibinahagi ni Atty. Tolentino na ang kanilang mga pag-uusap ay higit na nakasentro sa mga usaping espirituwal kaysa sa legal na mga bagay, at tila nagiging isang "Bible study" ang kanilang mga pagkikita.
“Nag-Bible study po kami doon. We were talking about the word of God… Nagpapasalamat po ako kay Pastor Quiboloy for the opportunity na one-on-one kaming dalawa lang. We talked about the Bible, yung mga spiritual na mga teachings sa Bible. ‘Yun lang ginagawa natin ngayon,” ayon kay Atty. Tolentino.
Dagdag pa ni Atty. Tolentino, sa kabila ng pagiging nakahiwalay at nababagot ni Pastor Quiboloy mula nang mailipat ang mga co-accused sa Pasig City Jail, nananatili itong masigasig sa kanyang mga pag-aaral ng Bibliya. Sinabi rin ng abogado na ang kanilang mga talakayan ay nakatuon sa mga espirituwal na aral, imbes na sa legal na usapin na may kaugnayan sa kaso ni Pastor Quiboloy.
Nang tanungin tungkol sa kasalukuyang estado ng kaso laban kay Quiboloy, tumanggi si Atty. Tolentino na magbigay ng detalye dahil sa sub judice rules. “Sa hearing, hindi pa ako pwede magsalita kasi may sub judicial ruling so hindi ako pwedeng magsalita,” aniya.
Dagdag pa ni Atty. Tolentino, pinanatili niya ang opinyon na ang mga alegasyon ay hindi nangangahulugang katumbas na agad ng pagkakasala. “Yung opinyon ko, allegation is not equivalent to guilt. ‘Yun lang sabi ko and there is a presumption of innocence unless proven guilty beyond reasonable doubt,” paliwanag niya. Binibigyang diin niya na ang proseso ay dapat batay sa ebidensya at jurisprudence, at hindi lamang sa haka-haka.
Habang patuloy ang legal na laban ni Pastor Quiboloy, nananatili siyang nakatuon sa kanyang pananampalataya, ipinapakita ang kanyang matatag na paghawak sa mga espirituwal na aral ng Bibliya. Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap, nananatili siyang aktibo sa kanyang pag-aaral at pagninilay, na nagbibigay ng inspirasyon sa kanyang mga tagasunod at tagasubaybay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento