Ayon kay Cristy Fermin, isang kilalang showbiz columnist, mayroon nang dalawang anak ang magpartner na sina Coco Martin at Julia Montes. Sa kanyang latest episode ng “Showbiz Now Na,” kasama ang mga co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez, naging usap-usapan ang biyahe nina Coco at Julia sa Europe, at ang diumano'y pagbubuntis muli ni Julia.
“Ang balita nga raw ngayon, nagdadalantao si Julia Montes,” unang ibinulgar ni Cristy Fermin. Ayon pa sa kanya, maraming nakapansin na sa mga public appearances ni Julia, tulad ng sa promo ng pelikula nila ni Alden Richards, lagi itong nakasuot ng blazer o jacket, na parang may itinatago.
Sinabi rin ni Cristy na kung totoo ang mga haka-haka, magiging tatlo na ang anak ng magpartner. Ang una nilang anak, ayon kay Cristy, ay apat na taong gulang na, habang ang pangalawa ay dalawang taong gulang.
“Maglalakas-loob na po kami na magbigay ng ilang detalye tungkol sa kanilang relasyon pero sa positibong paraan ito. Totoo po na meron na silang anak, si Coco at si Julia, apat na taong gulang na po ang batang babae na panganay nila. Bakit ko po sinabing panganay? May kasunod na po ang bata. Magdadalawang taon naman po at lalaki," pagbibida ni Cristy.
Dagdag pa ng kolumnista, ang pangalan ng panganay na batang babae ay Matilda, na ipinangalan umano sa lola ni Coco Martin na nagpalaki sa kanya. Samantala, ang kanilang pangalawang anak, isang batang lalaki, ay pinangalanang Popoy. Kamakailan lamang daw ay bininyagan si Popoy, at nakita ito sa mga post mula sa isang party na may cake na may nakasulat na pangalan ng bata.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon mula kina Coco at Julia tungkol sa mga pahayag na ito. Gayunpaman, ang mga detalye mula kay Cristy Fermin ay tiyak na nagbigay ng malaking ingay sa mundo ng showbiz, lalo na’t matagal nang usap-usapan ang tunay na estado ng relasyon ng dalawa. Maraming tagahanga ang nag-aabang sa anumang opisyal na pahayag mula sa magkasintahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento