Naging usap-usapan ang naging pag-uusap nina Mark Yulo, ama ng Pinoy Olympian na si Carlos Yulo, at ang kanyang bunsong anak na si Karl Eldrew Yulo. Sa simula ng video, narinig na hinihikayat ni Mark si Eldrew na batiin ang kanyang kuya na si Carlos, na tinawag niyang "Caloy," upang mapawi ang atensyon ng mga trolls na bumabatikos sa kanilang pamilya.
"Batiin mo kaya kuya mo para mawala mga trolls," sabi ni Mark kay Eldrew sa video. Subalit, mabilis na sinagot ni Eldrew ang kanyang ama, na pinayuhan itong hayaan na lamang ang mga trolls. "Hayaan mo na sila Pa, wag na natin silang pansinin. Lalo lang magkakagulo yang mga yan eh sasabihing peke tayo," ani ni Eldrew.
Hindi natinag si Mark, at sa halip ay binanggit niya ulit ang pangalan ni Carlos sa pamamagitan ng isang "shoutout." “Shout out Caloy Yulo,” sambit ni Mark. Sa puntong iyon, muling sinabi ni Eldrew na itigil na ang pagbanggit sa pangalan ng kanyang kuya upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon. "Papa wag mo nang. Isa. Wag mo nang anuhin," pakiusap ni Eldrew.
Gayunpaman, tila hindi pinansin ni Mark ang paalala ng kanyang anak at patuloy na hinihikayat si Carlos na umuwi. "Umuwi ka na sa bahay," sabi ni Mark. Muling pinaalalahanan ni Eldrew ang kanyang ama na itigil na iyon, sapagkat baka lalo pang lumala ang tensyon sa paligid nila. "Si papa naman, pag sinabing wag, gagawing lalo, parang bata. Alam mo naman yung mga tao," ani Eldrew, ngunit patuloy pa rin si Mark sa pagsasalita.
“Mahal na mahal ka ni Papa,” pahayag ni Mark, ngunit muling pinigilan ni Eldrew ang kanyang ama. “Sabi wag na eh. Wag muna,” sabi ni Eldrew sa video, humihingi ng paumanhin sa mga manonood habang pinagsasabihan ang kanyang ama. "Sorry guys pinapagalitan ko si Papa kasi di niya naintindihan guys yung mga ano guys eh yung mga taong nasa paligid niya alam nyo naman na maraming nagsasabing peke kami kahit hindi naman, pero mas maganda na wag na muna."
Sa pagtatapos ng video, ipinahayag ni Mark ang kanyang pagmamahal kay Carlos, na kinilala ni Eldrew ngunit muli niyang pinayuhan ang kanyang ama na huwag nang gawing isyu ang mga trolls. “Alam naman yun ng kuya mo,” sabi ni Mark, na sinagot ni Eldrew ng "Alam naman ni kuya pero wag muna."
Hindi malinaw kung kailan eksaktong naganap ang live video session na ito at mula sa kaninong account ito isinagawa, subalit marami na ang nakadownload ng video at muling ipinost ito sa iba't ibang social media pages. Ang naturang video ay nagdulot ng maraming reaksyon mula sa netizens, lalo na sa mga fans at tagasuporta ng pamilya Yulo.
Ang tensyong ito ay tila nagpapakita ng patuloy na hamon na kinakaharap ng pamilya Yulo sa gitna ng kanilang personal na mga isyu at batikos mula sa publiko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento