Sa isang press conference nagbigay ng payo si Efren 'Bata' Reyes, kilala bilang ‘The Magician’, sa mga kabataang manlalaro ng billiards. Kasama sa event na ito ang pagtitipon ng Team Asia at Team Europe para sa kauna-unahang Reyes Cup, na gaganapin mula Oktubre 15 hanggang 18.
binanggit ni Reyes na mahalagang tapusin muna ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral bago seryosohin ang paglalaro ng billiards. "Pinakamaganda diyan, tapusin muna nila ang pag-aaral nila," ani Reyes. Dagdag pa niya, kapag natapos na ang kanilang edukasyon, mas maganda ang magiging kinabukasan nila at mas maipagpapatuloy ang kanilang hilig sa sports tulad ng billiards.
Bukod sa pagbibigay ng payo, nagbalik-tanaw rin si Reyes sa kaniyang karera at ipinaabot ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kaniya sa loob ng maraming taon. "Lahat kayong mga kababayan at lahat ng mga sumusuporta sa akin, nagpapasalamat ako sa kanila. Hanggang ngayon, nandito pa rin sila," sabi ni Reyes.
Sa kabila ng paglipas ng panahon, nanatiling isa sa mga inspirasyon sa billiards si Efren 'Bata' Reyes, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento