Isa na namang makasaysayang tagumpay ang idinagdag ni Carlos Edriel Yulo sa kanyang listahan ng mga parangal matapos siyang opisyal na maging miyembro ng Philippine Navy Reserve Force. Ang two-time Olympic gold medalist ay nanumpa nitong Lunes sa Navy Headquarters at ngayon ay may ranggong Petty Officer 1st Class.
"Ipinagmamalaki kong maging bahagi ng Philippine Navy Reserve Force, isang karangalang hindi ko inasahan sa aking buhay," pahayag ni Yulo, na nagbigay ng karangalan sa bansa sa 2024 Paris Olympics bilang unang Filipino athlete na nagwagi ng dalawang gintong medalya.
Dagdag pa niya, "Ang pagsuot ng unipormang ito ng Philippine Navy ay nagbibigay sa akin ng malaking karangalan. Buong puso akong nagpapasalamat sa Philippine Navy para sa prestihiyosong pagkilalang ito. Pangako kong pananatilihin ang mga pangunahing pagpapahalaga ng Navy at magsisilbing inspirasyon sa mga kabataan, upang ipakita sa kanila na sa pamamagitan ng sports, maaari rin silang maglingkod sa ating bayan."
Si MGen. Joseph Ferrous Cuison PN ang naghatid ng mensahe mula kay Philippine Navy Flag Officer In Command, Vice Adm. Toribio Adaci Jr., na pinuri ang appointment ni Yulo sa kanilang hanay.
"Ang iyong dedikasyon, disiplina, at determinasyon ang nagdala sa iyo sa tagumpay sa pandaigdigang entablado, at ngayon, dalhin mo ang mga katangiang ito sa Philippine Navy. Alam naming kapag ikaw ay nagkomit sa isang bagay, ibinibigay mo ang lahat. Buong tiwala akong gagawin mo rin ito bilang isang reservist, kasama ang mga kalalakihan at kababaihan na naglalaan ng kanilang buhay para protektahan at iangat ang ating bayan," pahayag ni Adaci Jr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento