Advertisement

Responsive Advertisement

Parish Priest Humingi Ng Paumanhin Matapos Ang Mini Concert Ni Julie Anne San Jose Sa Simbahan: "Humihingi Po Ako Ng Tawad"

Biyernes, Oktubre 11, 2024

 



Naglabas ng opisyal na pahayag si Fr. Carlito Meim Dimaano, kura paroko ng Nuestra Señora del Pilar Shrine and Parish, upang humingi ng paumanhin sa publiko matapos ang kontrobersyal na mini concert ng aktres at singer na si Julie Anne San Jose sa loob ng simbahan.


Ang nasabing concert ay naging usap-usapan matapos mag-trend sa social media ang performance ni Julie Anne, kung saan siya ay umawit ng mga kantang tulad ng “Dancing Queen,” “The Climb,” at “Edge of Glory” habang nakasuot ng backless at sleeveless gown. Maraming mananampalataya ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya, lalo na’t naganap ang isang secular concert sa loob ng isang banal na lugar.


Sa kanyang pahayag, inamin ni Fr. Dimaano na nagkamali ang simbahan sa pagpapahintulot sa naturang event at tinanggap niya ang responsibilidad para sa pangyayari. “Isang Secular Concert ang naganap sa loob ng Simbahan. Tinatanggap ko pong ito ay nakasakit sa damdamin ng mga mananampalataya. Humihingi po ako ng tawad,” ani ng pari.


Humingi rin ng tawad si Fr. Dimaano kay Julie Anne San Jose at sa kapwa niyang performer na si Jessica Villarubin dahil sa mga negatibong komento na natanggap nila matapos ang kaganapan. Binanggit niya na ang mga performers ay hindi dapat sisihin sa pangyayari, at ang mga komento laban sa kanila ay di kanais-nais. “Sa mga naimbitan po naming nagtanghal... Humihingi po ako ng tawad.”


Bukod sa paumanhin sa mga mananampalataya at performers, humingi rin ng tawad si Fr. Dimaano sa kanilang Obispo, si Pablito Martinez Tagura, dahil sa hindi niya napangalagaan ang pangalan ng simbahan. Nangako siya na magsisilbing aral ang pangyayari at hindi na ito mauulit. “Kung maibabalik ko lamang po ang panahon, disin sana’y naisakatuparan ng tama at wagas ang gawaing ito na alay kay Maria. Ipinapangako ko pong hindi na mauulit ang nangyaring ito.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento