Ipinanukala ni Santa Rosa, Laguna Representative Dan Fernandez ang isang panukalang batas na naglalayong limitahan ang paggamit ng social media sa mga menor de edad upang maprotektahan sila laban sa mga posibleng mapaminsalang nilalaman. Sa ilalim ng Social Media Regulation and Protection Act (House Bill 543), ang mga bata at kabataan na wala pang 13 taong gulang ay hindi papayagang gumamit ng social media, habang ang mga edad 13 hanggang 17 naman ay may mga mahigpit na limitasyon at proteksyon sa kanilang paggamit.
Ayon kay Fernandez, mahalaga ang pagkakaroon ng limitasyon sa oras ng paggamit ng social media upang maprotektahan ang mental at emosyonal na kalusugan ng mga kabataan at maiwasan ang kanilang sobrang pagkakatuon sa social media.
Naniniwala si Fernandez na ang panukalang batas ay makatutulong upang maiwasan ang pagsasamantala sa mga bata at kabataan ng mga malalaking social media companies, na kilala sa pagkolekta ng personal na datos para sa komersyal na layunin. Binanggit niya na dahil sa social media, ang bawat galaw ng mga kabataan ay sinusubaybayan online, at kahit ang pinakabatang users ay palaging nakikita ng mga patalastas at komersyal.
“Sa pag-usbong ng social media, ang mga bata at kabataan ay palaging nakasubaybay online, at pati ang mga pinakabata ay nababaha ng mga patalastas habang nag-aaral, nakikipag-usap sa kaibigan, o naglalaro,” ani Fernandez. Dagdag pa niya, “Sa digital age ng internet, ang mga social media corporations ay lumilikha ng global na bakas na madaling nakakaimpluwensya sa ating pananaw sa mga konsepto ng pagpili, libangan, at realidad.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento